Thursday, July 12, 2012




aunang kumalat ang balita ng pagpanaw ng beteranong komedyante sa pamamagitan ng Twitter ngayong gabi, July 10, nang magsimulang mag-post ng tweets ng pagpapahayag ng pakikiramay ang mga artistang tulad nina Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto, Vice Ganda, at Jim Paredes.
Bagamat nagkaroon ng kalituhan sa pagkumpirma kung talagang pumanaw na nga si Dolphy, kinumpirma naman sa pamamagitan ng breaking news ng ABS-CBN, bandang alas-nuebe ng gabi, na sumakabilang-buhay na nga ito.
Ang kumpirmasyon ay mula raw mismo sa long-time partner ng Comedy King na si Zsa Zsa Padilla.
Ayon naman sa inilabas na official statement ng Makati Medical Center, pumanaw si Dolphy kaninang 8:34 p.m. "due to multiple organ failure secondary to complications brought about by severe pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, and acute renal failure."
Kasama raw ni Mang Dolphy si Zsa Zsa at ilan sa mga anak nito nang bawian ito ng buhay.
Ang anak at nagsilbing spokesperson ng pamilya Quizon na si Eric Quizon habang naka-confine si Mang Dolphy sa hospital ay kasalukuyang nasa Bataan para sa taping ng idinidirek niyang fantaserye sa TV5, ang Enchanted Garden, nang matanggap niya ang malungkot na balita tungkol sa ama.
Dagli-dagling lumuwas pabalik ng Maynila ang actor-director para damayan ang kanyang mga kamag-anak.
Ipagdiriwang sana ni Dolphy ang kanyang ika-84 na kaarawan sa July 25.
Sa Heritage Memorial Park sa Taguig City ilalagak ang mga labi ng Comedy King.
DOLPHY'S HOSPITALIZATION. Matatandaang isinugod sa Makati Medical Center nung June 9 ang veteran actor dahil sa sakit nitong pneumonia. Kinabitan agad ito ng respirator dahil nahihirapan daw itong huminga.
Ikinabahala ng pamilya ni Dolphy ang sakit nitong Chronic Obstructive Pulmonary Disease (COPD), isang kundisyon na naglilimita ng paglalabas-masok ng hangin sa baga dahil sa paninikip nito.
Noong June 19, ibinalita ni Eric ang bahagyang pagbuti ng kalagayan ni Dolphy.
Anim na oras daw na tinanggalan ng respirator ang komedyante bago ito ikinabit muli kinagabihan. Sinusubukan daw kasi ng mga doktor ng Comedy King na palakasin ang paghinga nito.

1 comment: